Dead on the spot ang limang sakay ng isang SUV nang makabanggaan nito ang isang 22-wheeler truck sa Baliwag, Bulacan madaling araw ng Miyerkoles.

Dalawa namang pasahero ng SUV ang sugatan.

Nangyari ang aksidente sa Doña Remedios Trinidad (DRT) Highway pasado ala-una ng madaling araw, ayon sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, bumangga ang SUV sa truck na noon ay nasa kabilang linya ng DRT Highway.

Durog ang harap ng SUV habang nabali naman ang puno kung saan nabangga ang truck.

Ayon sa rumespondeng traffic enforcer, may tatlong foreigners na sakay ang SUV base sa mga pasaporte at bagahe na nakita sa sasakyan. Nadala na ang mga gamit na ito sa presinto.

"Ang nasaksihan kaagad namin dito ay 'yung mga naipit sa sasakyan. 'Yung driver at mga sakay sa likod, nakarating na sa una. Pero confirmed na patay na po talaga. Bale pito sila [na sakay] sa SUV. E lima 'yung patay agad," ani traffic enforcer Michael Bautista.

Nasa kustodiya na ng Baliwag Police ang driver at pahinante ng truck para sa imbestigasyon at para makuhanan na rin ng pahayag. —KG, GMA Integrated News