Pinagsasaksak ng amain habang natutulog ang tatlong batang magkakapatid na edad lima, pito, at 10 sa loob ng kanilang bahay sa Caraga, Davao Oriental. Dalawa sa mga biktima ang nasawi, habang kritikal ang isa pa.

Sa ulat ni Jaycel Villacorte sa Super Radyo dzBB nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang krimen kaninang madaling araw sa Barangay San Jose.

Suspek sa krimen ang amain ng mga bata na si Mario Indawa, 42-anyos. Kritikal din ang kaniyang kalagayan matapos na magsaksak sa sarili.

 

 

Ayon sa pulisya, wala ang ina ng mga bata nang mangyari ang krimen.

Hinihinala ng mga awtoridad na matinding selos ang nagtulak sa suspek para gawin ang krimen. --FRJ, GMA Integrated News