Nasawi ang isang babae sa Barangay Canamucan sa Compostela, Cebu nang tangayin ng rumaragasang baha noong Miyerkules ng gabi. Ang mga kapitbahay na ginising ng biktima, nakaligtas.

Sa ulat ni Lou Ann Rondina sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Flordeliza Capuno, 50-anyos, na natagpuan ang katawan makaraan ang tatlong oras matapos siyang tangayin ng baha.

Nasa 10 barangay ng bayan ang apektado ng pagbaha dahil sa pag-apaw ng tubig sa ilog bunga ng malakas na ulan.

Ayon sa kaanak ni Capuno, nakalabas na ito ng bahay nang tumaas na ang baha pero muling bumalik sa bahay.

Nagpapasalamat naman ang kapitbahay ni Capuno na si Carmela Tejero sa kaniya dahil ang biktima raw ang gumising sa kanila nang tumataas na baha kaya sila nakaligtas.

Kasamang tinangay ng baha ang bahay nina Tejero.

Nang humupa na ang baha, tumambad ang matinding pinsala na iniwan nito.-- FRJ, GMA Integrated News