ATIMONAN, Quezon - Sugatan ang driver at ang dalawang pahinante ng isang 10-wheeler truck matapos itong mahulog sa bangin sa New Diversion Road, Malinao Ilaya, Atimonan, Quezon.

Nangyari ang aksidente dakong alas-sais ng umaga nitong Linggo.

Ayon sa report ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng Atimonan, patungong Bicol ang truck na may kargang grocery items.

Nawalan daw ito ng preno sa pababang bahagi ng highway at dumeretso sa bangin.

Naging pahirapan ang ginawang rescue operation sa naipit na driver. Ligtas ang mga lulan nito na nagtamo ng matinding pinsala sa katawan.

Accident-prone area ang pinangyarihan ng panibagong aksidente.

Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng Atimonan Municipal Police Station. —KG, GMA Integrated News