Tinutugis ng mga awtoridad ang dalawang suspek sa pagpatay sa isang pulis na nagpanggap na bibili ng droga sa ikinasang buy-bust operation sa Cebu City noong Miyerkules.

Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Police Corporal Ryan Baculi, 32-anyos.

Ayon sa pulisya, nagpanggap na buyer ng droga si Baculi laban sa isang alyas "Namol," noong hatinggabi ng Miyerkules sa Barangay Kinasang-an.

Nagpositibo ang naturang operasyon at aarestuhin na ni Baculi ang suspek nang bigla siyang barilin ng kasama nito na si Atong Rafols.

Kaagad na tumakas ang dalawang suspek na pinaghahanap na ngayon ng mga awtoridad.

Ayon sa pulisya, sangkot umano si Rafols sa ilang kaso ng pagpatay at hinihinala rin na miyembro ng isang gun-for-hire group. --FRJ, GMA Integrated News