Hindi na umabot nang buhay sa ospital ang isang rider matapos bumangga ang minamaneho niyang motorsiklo sa isang kotse sa Zaragoza, Nueva Ecija.

Sa ulat ni CJ Torrida sa GMA Regional TV  One North Central Luzon nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente sa Tarlac-Sta Rosa Road sa Barangay Sta Cruz.

Sa kuha ng CCTV camera, makikita ang pulang kotse na lumiko pakaliwa sa kalsada habang paparating naman ang motorsiklo ng biktima.

Sumalpok ang motorsiklo sa gilid ng kotse at tumilapon ang rider na nakilalang si Mico Napolis, katiwala sa isang resort sa Zaragoza, at tubong Laguna.

Nasawi ang biktima, habang nakadetine naman sa himpilan ng pulisya ang driver ng kotse na hindi na nagbigay ng pahayag.

Sa Bantay, Ilocos Sur naman, nahuli-cam ang isang motorsiklo na biglang pumasok sa national highway sa Barangay Aggay, habang may paparating na truck.

Nasalpok ng truck ang motorsiklo at nakaladkad pa ng ilang metro.

Masuwerteng nakaligtas ang rider na nagtamo ng mga sugat sa iba't ibang parte ng katawan.

Ayon sa pulisya, lumitaw sa pagsusuri ng duktor sa biktima na nakainom ito nang mangyari ang insidente.

Nakatakda umanong mag-usap ang magkabilang panig.-- FRJ, GMA Integrated News