Ipinag-utos na ng Land Transportation Office (LTO) na imbestigahan ang isang insidente ng umano'y road rage sa Subic, Zambales.

Ayon sa ulat sa 24 Oras Weekend nitong Linggo, makikita sa video na ilang beses tinumbok ng SUV ang isang kotse na nakahinto sa gilid ng kalsada.

Muntik pang mahagip ang isang babae kasama ang lalaking senior citizen na siyang nagmamaneho ng kotse.

Nang magmaniobra ang SUV, bigla ulit nitong inatrasan ang kotse saka humarurot paalis.

Base sa imbestigasyon, pauwi na ang 70-anyos na retired judge kasama ang kanyang assistant nang biglang mag-overtake ang SUV. Ilang beses nitong inatrasan ang kotse, kaya ito nasira bago ang insidente sa video.

“Malinaw sa video na hindi katanggap-tanggap ang inasal ng driver kung saan matapos banggain ay tinakbuhan pa ang kanyang responsibilidad,” ani LTO chief Assistant Secretary Vigor D. Mendoza II.

Inaalam na rin ng pagkakakilanlan ng tumakas na SUV driver. — BM, GMA Integrated News