Lima ang sugatan matapos sumalpok ang isang pampasaherong bus sa nakaparadang truck sa gilid ng Andaya Highway sa Brgy. Cabutagan, Lupi, Camarines Sur.

Nangyari ang insidente dakong alas-kuwatro ng umaga nitong Sabado.

Nawasak ang unahan ng bus sa lakas ng pagkakabangga. Tumagal nang halos tatlong oras ang rescue operation para sa driver ng bus na naipit sa nayuping bahagi ng bus.

Nagtamo ng matinding pinsala sa katawan ang driver. Apat na pasahero rin ang sugatan. Isinugod silang lahat sa pagamutan.

Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Lupi Municipal Police Station ukol sa insidente. — Peewee Bacuno/ VDV, GMA Integrated News