Isang putol na bahagi ng katawan ng lalaki ang natagpuan sa daluyan ng tubig sa Cavite-Laguna Expressway sa Silang, Cavite.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing natagpuan ang naturang bahagi ng katawan sa Barangay Kaong.

Inilahad ng Silang Police na nakatanggap sila ng reklamo mula sa mga motorista na may umaalingasaw na masangsang na amoy sa lugar.

Nakita ang parte ng katawan na nakasilid sa garbage bag at may ilang palatandaan sa katawan gaya ng tattoo.

Patuloy ang imbestigasyon sa pagkakakilanlan ng bangkay. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News