Nasawi ang isang 33-anyos na rider matapos bumangga ang minamaneho niyang motorsiklo sa kasalubong na truck sa San Pascual, Batangas.
Sa ulat ni Denise Abante sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog, sinabing nangyari ang insidente nitong Huwebes ng madaling araw sa Barangay Poblacion.

Hinala ng pulisya, nakaidlip ang biktima habang nagmamaneho base sa pahayag ng driver ng truck na tumatakbo sa tamang linya ng kalsada.

Based sa interview namin sa driver ng truck, kitang-kita niya na nakayuko na doon sa manibela itong nakasakay sa motor. Posible na nakapikit doon sa kaniyang pagda-drive gawa nang paspas ng hangin. Baka naka-idlip kaya ito ang naging sanhi kaya nasakop niya (yung linya ng truck)," ayon kay Police Major Ernie Delos Santos, hepe ng San Pascual Police Station.

Naisugod pa sa ospital ang biktima pero idineklara siyang dead on arrival. -- FRJ, GMA Integrated News