Binawian ng buhay ang isang estudyanteng atleta sa isang unibersidad sa Laoag, Ilocos Norte matapos madaganan ng soccer goal post, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles.

Nangyari ang insidente habang nagti-training ang Grade 11 student na si Nash dela Cruz para sa long distance track and field para sa Region 1 Athletic Association Meet.

Lumambitin daw si Dela Cruz sa bakal na soccer goal post pero bumigay ang nasabing poste at nadaganan ang biktima.

Hiling ng ina ng biktima na may managot sa pagkamatay ng kaniyang anak.

Ayon sa pulisya, nangako sa kanila ang unibersidad na tutulong sa pamilya ng biktima.

Sinusubukan ng GMA Regional TV One North Central Luzon na kunan ng pahayag ang unibersidad. —KBK, GMA Integrated News