Nagtamo ng mga sugat sa katawan ang isang mag-asawa nang sumabit ang kanilang motorsiklo sa barbed wire na hinihinala nilang sadyang iniharang sa daan sa Tigaon, Camarines Sur.

Sa ulat ni Cris Novelo sa GMA Regional TV News nitong Huwebes, sinabi ng mag-asawang Ronnee at Glenda Carreras na pauwi na sila noong Linggo ng gabi nang mangyari ang insidente sa madilim ng bahagi ng Barangay Caraycayo.

Dahil sa dilim sa daanan, hindi umano kaagad napansin ni Ronnee ang barbed wire.

Ipinakita ni Ronnee ang mga sugat na kaniyang tinamo sa katawan na hanggang sa leeg. Masuwerteng nakaligtas sila.

“Pakahiling ko po na may nakaharang na tubo nag-menor na po ako. Pag-patukad ko po, pagtungas ko kan motor, nahiling ko na po si barbed wire, dae ko na nakontrol si motor ta harani na po kami,” ani Ronnee.

Hinihinala nila na sadyang inilagay sa daan ang barbed wire at nais nilang managot ang nasa likod nito.

“Kung ano tong naging perwisyo niya ta haloy baga yan bago makaka-recover… si pagbuhay mi naperwisyo niyang maray, bata may mga estudyante kaming nag-aasa samo,” sabi ni Glenda.

Sinabi ng punong barangay sa lugar na may pinaghihinalaan na silang naglagay ng barbed wire pero patulog pa ang kanilang imbestigasyon.

Dahil madilim sa naturang daanan, planong ipagbawal na muna ang pagdaan doon ng mga sasakyan lalo na sa gabi.--FRJ, GMA Integrated News