Patay ang isang lalaki matapos na bagsakan siya ng bucket ng backhoe ng nakaalitan umanong foreman sa Tanay, Rizal.

Sa ulat ni Nico Waje sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Lunggo, kinilala ang biktima na si Melvin Tica.

Sumuko naman sa mga awtoridad ang suspek na si Domy Floren.

Ayon kay Mary Grace Tica, anak ni Melvin, Biyernes ng umaga nang nabanggit sa kaniya ng ama na nakaaway niya ang suspek.

“Sabi ko, ‘tay, bakit di kayo pumasok?’ ‘E yung foreman ko sobra na’, kaya po daw hindi siya umano ng pagpasok,” sabi ng anak.

Pero nang araw ding iyon, nagtungo ang biktima sa construction site sa Sitio Suyok, Barangay Tandang Kutyo, at muling nakasagutan ang suspek na naghuhukay noon gamit ang backhoe.

Ang singil tungkol sa paghakot ang lumilitaw na ugat ng hidwaan ng dalawa.

“Dumating si victim si Melvin, na bakit sinisingil pa siya doon sa bayad ng hauling? Doon nag-umpisa yung confrontation nila. Nagalit itong si suspek,” ayon kay Tanay Police Officer-in-Charge Police Lieutenant Norman Cas-oy.

Dito na umano binagsakan ni Floren ng bucket ng backhoe si Tica na dahilan ng pagkamatay ng biktima.

Sumuko naman sa pulisya si Floren na nahaharap sa kasong murder.

Paliwanag ng suspek, binantaan umano siya ng biktima kaya niya nagawa ang krimen.

“Hindi kasi siya nag-remit sa kaniyang biyahe kasi siya driver, ahente. Sinugod niya ako sa backhoe e. Kung di niya ko sinugod, hindi siya namatay. [Nanakot siya] na hindi ka makauwi ng Antipolo, na hindi mo ako kilala sa Tanay,” paliwanag ni Floren.

Itinanggi naman ng partner ni Tica na may utang ang biktima. --FRJ, GMA Integrated News