Tatlong magkakaanak ang nasawi--kabilang ang isang batang 10-taong-gulang--nang mahulog sa bangin ang sinasakyan nilang SUV sa Tuba, Benguet.

Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Lunes, kinilala ang mga nasawi na sina Jasper at Rodolfo Marcuap, at ang bata, na pawang mga residente ng Candelaria, Quezon.

Ayon sa pulisya, patungong Baguio City ang mga biktima nang bumangga ang SUV sa isang signage sa pakurbang bahagi ng kalsada at tuluyang nawalan ng kontrol at nahulog sa bangin na may lalim na 100-metro sa Barangay Taloy Sur.

Tatlong kamag-anak pa nila ang sugatan na isinugod sa ospital.

Tumanggi na ang mga kaanak ng biktima na magbigay ng pahayag.--FRJ, GMA Integrated News