TAGKAWAYAN, Quezon - Nasawi ang isang 50-anyos na barangay official mula sa bayan ng Calauag, Quezon matapos itong malunod sa Bagong Silang River sa Tagkawayan, Quezon nitong Linggo ng hapon.

Ayon sa mga kasama ng biktima, nawala raw ito habang sila ay nagkakasiyahan sa isang picnic.

Makalipas daw ang halos 30 minutong paghahanap ay nakita itong wala ng buhay sa ilalim ng tubig sa malalim na parte ng ilog.

Walang first aid team na naka-antabay sa lugar sa kabila ng maraming tao na naliligo dito.

Hindi rin ito ang unang pagkakataon na mayroong nasawi at nalunod sa ilog.

Panawagan ng mga barangay official sa lugar, mag-ingat sa paliligo sa ilog upang maiwasan ang aksidente. —KG, GMA Integrated News