Patay ang isang rider at ang kaniyang angkas nang masalpok ng van ang sinasakyan nilang motorsiklo sa isang intersection sa Daraga, Albay. Ang pinangyarihan ng aksidente, accident-prone area, ayon sa pulisya.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bicolandia, sinabing nangyari ang insidente noong hatinggabi ng April 22 sa isang intersection sa Barangay Mayon.

Sa kuha ng CCTV camera, makikita na patawid sa kabilang bahagi ng kalsada ang mga biktima nang salpukin sila ng van.

Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang mga biktima at kaagad nasawi.

Ayon sa pulisya, sinampahan ng reklamong reckless imprudence resulting to multiple homicide ang driver ng van na hindi na nagbigay ng pahayag.

Sinabi ni Police Lieutenant Ma. Isabel Nopia, PIO ng Daraga MPS, tukoy na isang accident-prone area ang pinangyarihan ng aksidente.

"Nag-suggest din po kami na maglagay ng mga rumble strips sa mga barangay na may intersection na ganun. Kapag malapit na sa intersection, doon ilalagay ang rumble strips para ma-alert yung driver kunyare inaantok, na intersection na iyon," pahayag ni Nopia. --FRJ, GMA Integrated News