Patay ang isang 14-anyos na babaeng estudyante matapos siyang pasukin sa loob ng kanilang bahay at barilin habang sumasagot ng modules sa Talisay City, Cebu.

Sa ulat ni Gabriel Bonjoc ng Super Radyo Cebu sa Super Radyo dzBB nitong Biyernes, sinabing nangyari ang krimen kaninang umaga sa Sitio Riverside I sa Barangay Cansojong.

Ayon sa pulisya, sumasagot ng modules ang Grade 7 na biktima sa loob ng kanilang bahay nang biglang pumasok ang salarin at binaril ang dalagita na tinamaan sa pisngi.

Isinugod sa ospital ang biktima pero binawian din ng buhay.

 

 

Sa ulat ni Fe Marie Dumaboc ng GMA Regional TV News, sinabi ng ina ng dalagita na wala siyang alam na kaaway ng kaniyang anak.

Inihayag naman ni Talisay City Police chieg Police Lieutenant Colonel Epraem Paguyod, na titingnan nila ang lahat ng posibleng motibo sa nangyaring pamamaril sa biktima.

Isa sa mga anggulong susuriin ng mga awtoridad ang umano'y pagkakasangkot ng ilang kaanak ng biktima sa ilegal na droga.

Nito lang nakaraang linggo, isang 13-anyos na Grade 8 student na babae rin ang binaril naman sa ulo at namatay habang naglalakad papunta sa paaralan sa Agoncillo, Batangas.

Patuloy pang hinahanap din ng mga awtoridad ang salarin.--FRJ, GMA Integrated News