Nasawi ang isang 59-anyos na rider matapos na sumalpok sa kasalubong na van sa pakurbang bahagi ng kalsada sa Nasugbu, Batangas.

Sa ulat ni Deniece Abante sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Calayo nitong Martes ng umaga.

Sa imbestigasyon ng pulisya, pauwi na umano ang biktima matapos na ihatid ang anak sa kalapit na barangay.

Posible umanong mabilis ang takbo ng motorsiklo sa pakurbadang bahagi ng kalsada na palusong din kaya nawalan ng kontrol at tumama sa kasalubong na closed van.

"Siguro nagmamadali kaya nawalan siya ng kontrol. Kung pagbabasehan po yung damage ng motor at saka nung nakabanggaan niya, talaga pong may kabilisan ang pagpapatakbo niya," ayon kay Police Staff Sergeant Ronnie Bagsic, investigator, Nasugbu Police Station.

Nagtamo ng matinding pinsala sa ulo at katawan ang biktima na idineklarang dead on arrival sa ospital.

Ligtas naman ang driver ng van na nasa kostudiya ng pulisya habang hinihintay kung magsasampa ng reklamo ang pamilya ng nasawi. -- FRJ, GMA Integrated News