Patay na at walang ulo nang matagpuan ang isang batang lalaki na anim na taong gulang na unang iniulat ng kaniyang mga magulang na nawawala sa Tabogon, Cebu.
Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Lunes, sinabi ng mga awtotidad na Enero 9 nang iulat na nawawala ang biktima bago nakita ang kaniyang bangkay noong Biyernes sa isang sapa sa Barangay Kawayan.
Bagaman nagsisimula nang maagnas ang katawan ng bata at wala itong ulo, nakilala pa rin siya ng kaniyang ama dahil sa suot nito.
May nakita ring bungo hindi kalayuan sa katawan ng bata.
Dinala ang bangkay at ang bungo sa isang punerarya para isailalim sa awtopsiya na bahagi ng isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa kung ano ang nangyari sa bata.— FRJ, GMA Integrated News