Nasawi ang isang foreman matapos siyang tagain umano sa leeg ng kaniyang katrabahong construction worker sa Compostela, Cebu. Ayon sa suspek, karelasyon ng biktima ang kaniyang misis.
Sa ulat ng GMA Regional TV, na iniulat din sa Balitanghali nitong Martes, sinabing nadakip ang suspek sa kaniyang bahay sa Danao City.
Base sa salaysay ng pulisya, inabangan ng suspek ang biktima pagkaraan ng inuman ng kanilang mga kasamahan sa trabaho.
Narekober mula sa suspek ang ginamit niyang pangtaga.
Inihahanda na ang reklamong murder laban sa suspek.
Desidido ang pamilya ng biktima na ipabilanggo ang suspek. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News