Sinagip ang isang 15-anyos na lalaki na ginawa umanong hitman sa kalakaran ng ilegal na droga sa Cebu City. Ang binatilyo, suspek sa pagpatay sa isang ginang.

Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Martes, sinabing suspek ang binatilyo sa pagbaril at pagpatay sa isang 44-anyos na babae noong February 2, 2025.

Matapos gawin ang krimen, nagtago umano ang binatilyo sa bayan ng Dalaguete hanggang sa masagip siya.

Nakuha rin sa kaniya ang isang baril na kalibre .45.

Hinahanap pa ang dalawa niyang kasamahan na sangkot din sa pagpatay sa babae.

Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang motibo sa pagpatay sa biktima pero isa umano sa anggulo na tinitingnan ang usapin ng ilegal na droga.

Susuriin naman ng Women and Protections Desk kung may "discernment" o kung lubos na nauunawaan ng binatilyo ang krimen na ipinaparatang laban sa kaniya. —FRJ, GMA Integrated News