Nasawi ang dalawang sundalo, habang sugatan ang isa pa nilang kasamahan matapos silang tambangan sa Barangay Dugaa sa bayan ng Tuburan sa Basilan.

Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao nitong Lunes, kinilala ang mga nasawing sundalo na sina Sergeant Reymark Bation at Corporal Jordan Daquipel.

Sugatan naman at nagpapagaling sa ospital si Corporal Richivie Flores.

Ayon sa Western Mindanao Command (WestMinCom), nakatalaga sa 18th Infantry Battalion ang mga biktima.

Papunta na umano sa kanilang command post ang mga biktima sakay ng kanilang mga motorsiklo noong Biyernes ng hapon nang pagbabarilin sila ng mga hindi na natutukoy na salarin.

Tinangay din ng tumakas na mga salarin ang mga armas ng mga biktima.

“These soldiers faced danger not for glory, but out of duty—a duty to protect our people, to secure our land, and to uphold peace in Basilan,” ayon kay WestMinCom Commander, Lt. Gen. Antonio Nafarrete.

Nakikipagtulungan umano ang WestMinCom sa mga awtoridad upang matukoy kung sino ang nanambang sa mga biktima. -- FRJ, GMA Integrated News