Dalawang rider ang nasawi matapos silang araruhin ng isang 10-wheeler truck sa pakurbang bahagi ng Payatas Road sa Barangay San Jose, Rodriguez, Rizal nitong Miyerkoles ng hapon.
Sa kuha ng video, nagkawasak-wasak ang motorsiklo sa gilid ng kalsada at tumilapon ang rider sa damuhan sa may railing.
Humambalang naman sa gitna ng Payatas Road ang isa pang motorsiklo at makikita ang rider na nakahandusay, duguan at naghihingalo sa gilid ng kalsada.
Ayon sa pulisya, ang biktimang naipit sa salpukan, nagtatrabaho sa isang pharmaceutical company na katatapos lang magdeliver sa beterinaryo sa isang zoo.
Ang isa naman, na nabalian ng binti at paa at tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology o BJMP na naka-assign sa Quezon City Jail.
Isinugod sila sa ospital pero binawian din ng buhay kalaunan.
Ligtas naman ang pahinante at truck driver na inaresto ng pulisya.
Ayon sa driver, bumiyahe sila mula sa Tagaytay patungong Rodriguez, Rizal para maghakot ng graba.
Iginiit niyang nawalan siya ng preno sa minamanehong 10-wheeler.
“Pagliko po sa may ibabaw pa lang po, nawalan na po ako ng preno, ginawa ko naman po lahat ng makakaya ko para po may maiwasan kaso nga lang po hanggang dun lang po sagad na sagad na po yung liko ng truck,” sabi ng driver.
"Sa pamilya po humihingi po ako ng tawad, Hindi ko naman po kagustuhan yung nangyari," dagdag niya.
Sasampahan ang truck driver ng reklamong reckless imprudence resulting in homicide and damage to property.
Ayon sa pulisya, prone to accident ang pinangyarihan ng insidente. Pinag-iingat ang mga motoristang dumaraan lalo na ang mga kargadong mga truck. —VAL/FRJ GMA News
