Pawang nagtamo ng tama ng bala sa ulo ang mag-iinang natagpuang patay sa loob ng nakaparadang sasakyan sa isang liblib na lugar sa sa Barangay Talacsan, San Rafael, Bulacan.

Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GTV News Balitanghali nitong Biyernes, sinabing lumitaw sa paunang impormasyon mula sa awtoridad na may nakitang tatlong basyo ng bala mula sa 9mm na baril sa crime scene.

May nakita rin 9mm na baril sa loob ng sasakyan pero aalamin pa kung ang mga basyo ng bala ay naggaling mismo sa baril na nakita rin sa sasakyan.

Lisensiyado umano ang baril na nakapangalan mismo sa ginang na nagtatrabaho online sa isang US based company.

Inaalam din at tatanungin ang mga huling nakausap ng mga biktima.

Sa ngayon, wala pang ikinukonsiderang person of interest ang mga awtoridad.

Sa isang ulat ni Gabriel Gonzales sa GMA News’ Unang Balita nitong Biyernes, sinabi ng mga opisyal ng barangay na nakatanggap sila ng tawag dakong 2 p.m. nitong Huwebes tungkol sa naparadang sasakyan.

Nang puntahan nila at suriin, nakita ang mag-iina sa loob na wala nang buhay.

Edad 31 ang ginang, habang edad siyam at apat naman ang kaniyang mga anak.

Hinala ng mga taga-barangay, iniwan ang sasakyan sa lugar noong Miyerkules ng gabi. – FRJ GMA News