Tatlong college student ang nasawi matapos sumalpok ang sinasakyan nilang motorsiklo sa isang oil tanker truck sa Puerto Princesa, Palawan.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Miyerkoles, mapanonood ang biglang paghinto ng truck matapos makasalpukan ang motorsiklo nitong Martes ng madaling araw.

Dinala ang tatlong estudyante sa ospital ngunit hindi na sila umabot nang buhay.

Lumabas sa imbestigasyon na nag-overshoot ang motorsiklo at napunta sa linya ng oil tanker truck kaya naganap ang salpukan.

Patuloy na sinusubukang kunan ng pahayag ang driver ng truck.—Jamil Santos/FRJ GMA News