Hindi na nilalagyan ng yelo ang itinitindang iced-coffee ng isang negosyo sa Alabang, Muntinlupa City, dahil ang mga basong kanilang ginagamit, nagyeyelo na below zero. Ang kita, hot na hot dahil umaabot sa P30,000 kada araw.
Sa nakaraang episode ng Pera Paraan, itinampok ang The Dirty Work na negosyo ni Jet Cababan.
“The usual na sine-serve sa atin ay naka-cup and then ice. Ang differentiator sa amin is we won't serve it in an ice, we will serve it sa inyo ng minus 86 degrees na dirty coffee. 'Yung in terms of lasa, very pure, hindi nagda-dilute 'yung coffee,” sabi niya.
Nagmula pa sa ibang bansa ang konsepto, at sila ang unang nagdala nito sa bansa.
“Nakita ko itong trending na ito sa Thailand una, na sine-serve nga 'yung coffee in a frozen cup. So nakita ko meron pala sa Singapore and then sa Hong Kong,” sabi ni Jet, isang dating accountant pero full-time negosyante na ngayon.
Aminado siyang nag-alinlangan din siya noong una tungkol sa pagbubukas ng negosyong ito.
“The first doubt is that baka hype lang, baka eventually magdi-die down lang din. But then, du’n papasok 'yung innovation mo. How do you keep the novelty for your customers? And how do you keep them coming? So, important na masarap 'yung coffee. And then you offer different kinds of coffee in the future,” paliwanag niya.
Iba-iba ang flavors nila ng kape, mula Barbados, Filthy, Dirty Coffee, at Dirty Pandan na crowd favorite. Mayroon din silang bersiyon ng Affogato ice cream na may kape na served sa frozen glass.
Mula pa sa China ang negative 86 degree Celsius na freezer.
Nabubuo ang ice crystals sa baso dahil sa dense condensation, o mabilis na lumalamig ang moisture sa hangin, kaya nabubuo ang yelo sa paligid ng baso.
Frozen glass din ang kanilang take-out coffee na dadagdagan lang ng P50.
“On average po namin daily, nasa P30,000 po. Daily,” sabi ni Jet tungkol sa kita.
Nakadagdag sa marketing nila ang pagpo-post ng mga customer sa social media ng pag-serve ng kanilang kape.
"Kung meron ka talagang gustong ma-achieve sa sarili mo bilang business owner, huwag ka titigil. And, kahit anong challenges na marananasan mo, kahit anong negative things nasasabihin ng mga tao sa paligid mo, just believe in what you want to do. And then, do whatever it takes for you to achieve that goal," sabi ni Jet. – FRJ GMA News
