Gusto bang kumita mula sa tinapay pero hindi marunong mag-bake? Ang raket ng isang ina, pagbebenta ng frozen dough na maaaring gawing negosyo. Ang kaniyang kita, five digits kada buwan.
Sa nakaraang episode ng Pera Paraan, itinampok ang negosyong frozen dough o premixed masa ni Pamela Boglosa. Kaya ang mga customer, palalambutin at paaalsahin na lang ito.
Bestseller niya ang croissant, isang sikat na French pastry na patok din kahit sa Pilipinas.
Naisip niya ang negosyo nang mag-viral ang “Croffle” o kombinasyon ng croissant at waffle, na Croissant dough na iniluluto sa waffle maker.
“Noong una po, nagre-resell lang po talaga kami ng mismong frozen dough. Kasi wala naman po talaga akong idea doon sa mismong croissant. Meron po akong pinagkukunan na bakery na sila mismo ‘yung nagpo-produce ng frozen dough,” kuwento niya.
Mula sa dalawang taong pagre-resell, sila na mismo ang gumagawa ng sarili nilang produkto ngayon.
“Noong malakas na po siguro 'yung demand, ‘yun na po talaga. Doon na po dumating sa point na subukan at pag-aralan ko din mismo 'yung binibigay kong produkto,” sabi niya.
Isang dating corporate employee si Pam kaya hindi siya talaga baker. Para matuto, puspusan ang ginawa niyang pag-aaral.
“Kahit din po sa learnings, kung paano ko din po 'yung gagawin. Sa knowledge, hindi po ako basta-basta na nag-search lang. So nag-aral din po ako, kung paano nga ba? Pumapasok po ako ng training, kung paano po ba siya gawin. Hindi po talaga siya madali,” pagbahagi niya.
Mabibili ang bawat pack ng frozen dough croissant na may 12 piraso ng P505. Mas mababa pa ang presyo kapag reseller at bulk order.
Mayroon din silang negosyo packages mula P3,085 hanggang P3,735 na may kasama nang pang-toppings. Kapag nasa freezer, kaya raw tumagal ng produkto nila hanggang dalawang buwan.
Sa isang buwan, kumikita si Pam ng five digits.
Tunghayan sa Pera Paraan ang mga sangkap ng Croissant, at ang proseso ng pag-bake nito. Panoorin ang video. – FRJ GMA News
