Welcome sa Doctor's Corner. Handang sagutin ng mga medical expert mula sa Makati Medical Center ang mga tanong tungkol sa kalusugan na nais ipadala ng mga mambabasa. Kung may tanong ka, ipadala sa lifestyle@gmanews.tv.
Ilang beses maaaring isuot ang bra bago ito masabing marumi na?
May dalawang bagay na dapat isaalang-alang bago muling isuot ang isang bra: ang panahon at ang mga aktibidad na ginawa sa buong araw.
Sa pangkalahatan, dapat labhan ang bra pagkatapos itong maisuot nang dalawa o hanggang tatlong beses. Dahil pabago-bago ang panahon sa Pilipinas, lalo na nitong mga nakaraang linggo, ang dalawa hanggang tatlong beses na pagsuot ang dapat na maging pinakamataas na bilang nang paggamit nito bago labhan.
Kapag mataas ang init at humidity, mas pinagpapawisan ang tao dahil puspos na ng moisture ang hangin na pumipigil sa pawis na mabilis na makasingaw mula sa balat. Dahil dito, mas naiipon din ang init sa katawan. Ang pagsingaw kasi ng pawis ay dapat na nagpapalamig sa katawan. Mas mapapansin ito kapag matagal na nasa loob ng isang kuwarto ang tao na walang aircon at kulob.
Para naman sa mga regular na nag-e-ehersisyo o gumagawa ng mabibigat na pisikal na aktibidad, dapat labhan nang regular na bra o sports bra pagkatapos ng bawat paggamit, ano man ang panahon.
Kung maaari, kaagad na magpalit nang malinis at tuyong bra pagkatapos na pagpawisan o gawin ang pag-e-ehersisyo. Ganito rin ang dapat gawin ng mga madaling pagpawisan, bumibiyahe gamit ang pampublikong transportasyon, o matagal na nasa labas ng bahay. Mas mainam na araw-araw na magpalit ng isinusuot na bra.
Anong mga sakit sa balat at iba pang panganib ang dapat bantayan kung hindi magpapalit o hindi lalabhan ang bra at abutin ng dalawang linggo na tuloy-tuloy na pagsuot nito?
Mahalagang labhan ang bra pagkatapos ng dalawa hanggang tatlong beses na paggamit dahil naiipon dito ang pawis, dumi, at oil na mula sa balat. Maaaring maging lugar ito para dumami ang bacteria, fungi, at dead cells sa balat. Baka magdulot ito ng mga problema sa balat na maaaring lumala at magbigay ng discomfort at sakit.
Posibleng magsimula ito sa simpleng irritation at pantal sa balat. Ang naipong moisture at patuloy na pagkiskis sa balat ay maaaring magdulot ng chafing o mga mapula na makati sa dibdib at ilalim nito.
Bukod dito, maaaring mabarahan ang pores sa dibdib at likod dahil sa naipong oil, dumi, at dead cells, na posibleng magdulot ng pagkakaroon ng acne o malalaking tigyawat.
Ang paulit-ulit na pagsusuot ng bra nang ilang araw ay maaari ding magdulot ng labis na pagdami ng yeast o bacteria, na posibleng humantong sa impeksiyon sa balat.
Karaniwang nagdudulot ang bacterial infection ng malalim at pantay na pamumula sa balat, at maaari itong magkaroon ng crusting, mga paltos, at nana. Maaari ding makaramdam ng pananakit at init sa bahaging apektado, na masakit kapag hinawakan.
Samantala, ang yeast o fungal infection ay mayroong mapula at tila mamasa-masang pakiramdam sa bahagi ng balat na napalilibutan ng maliliit at kalat-kalat na pulang butlig. Matindi ang pangangati nito at kung minsan ay may kasamang pakiramdam na mainit o mahapdi.
Maaaring mangailangan ang mga ganitong problema sa balat ng partikular na atensyon medikal at gamot, na posibleng tumagal ng pitong araw hanggang 4 na linggo ang gamutan bago tuluyang gumaling. Depende 'yan sa tindi ng impeksiyon.
Kaya para iwasan ang ganitong mga problema, mas makabubuting magsuot ng malinis na bra sa bawat pagkakataon. Kung kailangan mong muling isuot ang isang bra, pinakamainam na patuyuin muna ito nang maigi sa hangin bago muling gamitin.
Dahil sa klima sa Pilipinas, pumili ng bra na gawa sa magaan, breathable, o moisture-wicking na tela. Siguraduhin ding tama ang sukat ng bra upang hindi ito masyadong masikip at hindi labis na didikit o kikiskis sa balat.
Napapaisip ka ba kung ano ang maaaring nangyayari sa dibdib kapag hindi nagsusuot ng bra ang babae? Basahin ito: What happens to your breasts if you go braless? Experts answer
— FRJ GMA News
Si Dra. Ma. Cristina M. Maledeo-Miravalles, M.D. ay isang residency training officer ng Department of OB-GYN sa Makati Medical Center. Miyembro siya ng Philippine Medical Association, Makati Medical Society, Philippine Obstetrics and Gynecology Society, Philippine Society of Climacteric Medicine, at Aesthetic Gynecologic Society of the Philippines.

_2026_09_23_11_15_17.jpg)