Sa pamamagitan ng Tiktok, humingi ng tulong sa kaniyang mga follower ang isang guro para mapagawan ng tindahan ang isang 75-anyos na lola na nagbubuhat at naglalako ng panindang lumpia umulan man o umaraw sa kabila ng kaniyang edad.

Sa "Bright Side" ng GMA Public Affairs, sinabing hindi inasahan ng kindergarten teacher na si Sheena Mondala, na kagigiliwan ng netizens ang kaniyang pagsasayaw at nagkaroon na siya ng mahigit 200,000 followers.

Dahil dito, naisipan niyang gamitin ang Tiktok para mangalap ng tulong para kay Lola Leonila Leyson na araw-araw na naglalako sa kanilang lugar.

Napilitan si Lola Leonila na magbenta ng lumpia nang mawalan ng trabaho ang panganay niyang anak dahil sa pandemya.

Ginagawa niya ito kahit pa umulan at maging tirik ang araw.

"Napilitan na lang po akong magtrabaho nang husto dahil wala nga pong ikinabubuhay na kami kundi ang pagtitinda ko na lang," saad niya.

"Sobrang init, talagang tinitiis ko ang init makapagtinda lang ako. Nahihirapan na nga po akong maglako eh," naiiyak pa niyang sabi.

Nakakalap si Sheena ng aabot sa P50,000 na donasyon sa loob lamang ng isang linggo na ginamit niya upang maitayo ang tindahan ni lola Leonila.

"Nagpapasalamat po ako dahil sa hindi na po ako naglalakad sa kainitan at malaya na po ako sa virus," sabi ng lola.

Tunghayan ang kuwento ni Nanay Leonila sa video na ito ng "Bright Side."--Jamil Santos/FRJ, GMA News