Maglaro man ng basketball at sumali sa mga male pageant para patunayan ang kaniyang pagkalalaki lalo sa kaniyang tatay, alam ni Adrian sa sarili na isa siyang bakla. At ngayong nagdesisyon na siyang kumawala at maging isang transgender woman, matanggap kaya ito ng kaniyang ama?

"Dumating po ako sa point na natatakot po ako sa tatay ko. Nahihirapan po talaga ako, noong bata pa ako alam ko na po sa sarili ko..." kuwento ni Adrian Lilang sa "Kapuso Mo, Jessica Soho."

Hindi naman itinanggi ni Ferdinand Lilang, ama ni Adrian, na napansin na niya ang pagiging malambot ng kaniyang anak noong bata pa lamang ito, kaya masakit para sa kaniya kapag inaasar si Adrian ng kaniyang mga kaibigan.

"Tinatanong ko siya 'Bakla ka ba?' Sinasabi niya sa akin 'Pa hindi, lalaki ako.' Marami akong naririnig 'Bakit ang anak mo hindi mo turuan mag-basketball?'" ani Ferdinand.

Maliban sa basketball, nagpa-borta pa si Adrian, naging modelo, at nagkaroon pa ng mga girlfriend para patunayang lalaki siya.

Pero hindi rin ito natiis ni Adrian, dahil nararamdaman niya sa sarili ang pagiging isang trans woman.

Dahil dito, nagparetoke siya ng ilong, nagpa-chin filler. at uminom ng hormone pills, hanggang sa naging siya na si Tanya Franchesca Amhadi Lilang.

"Napagod na po akong magpatigas. Hindi ako ito, hindi ko ito gusto. Bago po ako mag-transition as transgender, marami po akong narinig na batikos tungkol po sa akin, hindi lang po sa malalapit kong friends, siyempre sa family ko po," sabi ni Tanya.

Tunghayan sa KMJS kung ano ang masasabi ng ama ni Adrian sa kaniyang pagbabago, at ang kaniya ring reaksyon nang makaharap niya mismo si Miss Manila Alexandra Abdon.—Jamil Santos/AOL, GMA News