Metal Ox ang darating na 2021 na inaasahang magdadala ng pag-asa para sa pag-asenso sa career, kalusugan at kabutihan at marami pang iba, ayon sa isang feng shui expert.

"We can expect, kahit pa paano, it will be an 'improvement year,'" sabi ng feng shui consultant na si Johnson Chua sa "Unang Hirit."

"I was told that the Metal Ox is a healing year or comeback year, so kung tayo po ay medyo may nararamdaman po sa suffering this 2020, as long as we can be adaptable, na-a-adapt natin 'yung new norm at nagiging flexible po tayo, then malaki po 'yung chance na pwede rin po tayong maging successful sa panahon ng 2021," sabi ni Chua.

At dahil magiging mahirap sa marami ang bumili ng good luck charms ngayong taon dahil sa COVID-19 pandemic, nagbahagi si Chua ng apat na simpleng DIY charm na maaaring gawin ng pamilya gamit lamang ang mga ordinaryong gamit sa bahay.

1. Siyam na red envelope

Ayon kay Chua, maaaring matupad ang iyong kahilingan ngayong 2021 sa pamamagitan ng pagsulat nito sa isang piraso ng papel saka isisilid ang mga ito sa siyam na pulang sobre o "ampaw."

Gayunman, siguruhing positibong mga kahilingan lamang ang isulat at idikit ang mga envelope sa likod ng pinto na may hugis ng diyamante.

“Because diamond is a symbol of fire, and nine is the number of fire, so ini-increase po natin 'yung fire energy as one of the lucky elements for the year 2021, para more hope, more positivity and also for good blessings and prosperity," paliwanag ni Chua.

2. Blessing bowl

Isa pang maaaring gawin para humiling ng blessings ngayong 2021 ang paglalagay ng mga nakatuping P50 o kahit na anong pulang papel — sa isang mangkok ng bigas.

Ayon kay Chua, maaari rin itong makatulong para madagdagan ang fire energy na kakailanganin para sa bagong taon.

"Alam naman natin na ang bigas, grasya 'yan para sa atin," sabi niya.

3. Magtanim ng pulang laso

Sinabi rin ni Chua na maaaring magdala ng wood energy ang mga halaman, na nakikita rin bilang isa sa "lucky elements" sa 2021.

Inirekomenda ni Johnson ang pagtatali ng pulang laso o paglakip ng anumang bagay na kulay pula sa inyong mga halaman.

"Lahat po ng plants ay pampasuwerte," paliwanag ni Chua.

"Wala pong malas na plants. Lahat po 'yan is from mother earth... buhay po silang lahat," dagdag niya.

4. Mga imahe ng Ox

Isa pang maaaring gawing pampasuwerte para sa taon ng Metal Ox ang pagsasabit ng larawan ng isang Ox sa loob ng iyong bahay.

Gayunman, inirekomenda ni Johnson ang isang "positive-looking" na itsura ng Ox.

Halimbawa, maaaring gamitin ang isang print-out ng isang masayang cartoon Ox, o isang larawan na nagpapakita ng malakas at matibay na Ox.

"It should be na medyo related po sa mga wishes na gusto nating mangyari for the 2021. For example if you want a happy 2021, a happy ox image," sabi ni Chua.

Maaaring ilagay ang imahe ng ox malapit sa lugar kung saan ka nagwo-work from home, opisina o kahit wallpaper ng iyong computer.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News