Hindi inakala ng isang ina na ang simpleng hikaw na inilagay niya sa kaniyang isang-taong-gulang na anak na babae ay magdudulot sa kanila ng labis na pag-aalala.

Sa programang "Pinoy MD," ikinuwento ni Josie Hermano, na siyam na buwan gulang pa lang ang kaniyang anak nang pabutasan na niya ang tenga nito para malagyan ng hikaw.

Napagkakamalan daw kasing lalaki ang kaniyang anak kaya naisipan niyang lagyan ng hikaw para magmukhang babae.

Pero isang araw nang isang-taong-gulang na ang kaniyang anak, bigla raw umiyak ang bata at tila may dinudukot sa kaniyang bibig.

Hindi raw kaagad nalaman ni Josie kung ano ang dahilan ng pag-iyak ng bata.

Hanggang sa kinalaunan, napansin niya na nawawala ang isang piraso ng hikaw ng anak. Dito na siya nag-alala na baka nalunok ng bata ang naturang hikaw.

Pinainom niya ng tubig ang bata at ilang minuto pa ang lumipas, maging normal na raw muli ang kilos ng kaniyang supling.

Ngunit dahil nag-aalala pa rin siya na baka nga nalunok ng anak niya ang hikaw at magdulot ng problema kinalaunan, nagpasya si Josie na dalhin sa ospital ang bata.

Nang magsagawa ng X-ray, nakumpirma na nalunok nga ng bata ang hikaw pero nasa bituka na ito.

Ayon sa eksperto, hindi dapat basta pinapainom o may ipinapakain ang bata kapag may bagay na nalunok.

Dapat ding obserbahan ang boses ng bata kung magiging paos ito o hirap sa paghinga.

Panoorin ang video at alamin ang mga tips kapag may nalunok ang bata, at alamin kung ano ang nangyari sa hikaw na nalunok ng baby ni Josie.

--FRJ, GMA News