Ikinalungkot ng maraming Pilipino ang pagkawala ng "Meteor Garden" star na si Barbie Hsu dahil sa influenza-induced pneumonia sa edad 48. Kasabay nito, may mga nangamba rin sa naturang sakit. Ano nga ba ang sakit na tumama sa Taiwanese actress? Alamin.
Sa programang "Unang Hirit" nitong Martes, ipinaliwanag ni Dr. Jay Andrew Ilagan, isang internist at pulmonologist, na ang pneumonia ay isang general term na tungkol sa sakit sa baga. Ang isang tao ay maaari umanong magkaroon ng viral pneumonia, bacterial pneumonia o fungal pneumonia.
"So 'yung nangyari po sa kaniya, viral pneumonia po 'yun, ang cause po ay influenza. So familiar po tayo, no? Sa mga nakaraang taon, yung COVID naman po is viral din siya. COVID pneumonia," sabi ni Dr. Ilagan.
"Ang influenza po is a type of virus na nagko-cause ng mga joint pains, cough, colds, fever po," pagpapatuloy niya.
Ilan sa mga sintomas ng pneumonia ang ubo, lagnat, sipon, sakit ng katawan, at kawalan ng gana sa pagkain.
PANOORIN: Sakit na pneumonia, paano nga ba maiiwasan?
Gamit ang oximeter, ang normal na oxygen ng isang tao ay 94 percent. Kaya hindi na magiging normal ang oxygen ng isang tao kung mababa na ito sa 94 percent.
Samantala, kahit normal ang resulta ng x-ray sa baga ng isang tao, hindi ito nangangahulugang wala siyang pneumonia. Kaya ginagamit ng mga doktor ang auscultation o pakikinig sa baga ng isang pasyente.
Kapag may pneumonia ang isang tao, nagkakaroon ng pagbabara sa mga alveoli o gas exchange sa loob ng baga, na puti sa x-ray.
READ: Anti-Influenza and pneumonia vaccines: Where to get shots in PH
Ayon naman sa doktor, hindi totoo ang paniwala ng iba na magkakaroon ng pneumonia kapag natuyuan ng pawis o naulanan ang isang tao, dahil ang pneumonia ay nakukuha sa hangin.
Hindi rin garantiya na hindi na magkaka-pneumonia ang isang tao na nakatanggap ng bakuna. Ang bakuna umano ay proteksyon lamang para hindi maging malala ang sakit.
Sa ulat ni Joseph Morong sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabi ni Dr. Norberto Francisco, spokesperson ng Lung Center of the Philippines, na ang posibleng tumama kay Barbie ay influenza virus o viral infections na kadalasang nagdudulot ng ordinaryong sipon.
Kung gaano kalala ang magiging epekto nito sa katawan ng tao, depende umano sa bagsik ng mikrobyo, tibay ng resistensiya, o kung may iba pa siyang sakit na comorbidity ng pasyente, ang kaniyang edad, at lagay ng kapaligiran.
"It is not always by or because of one factor alone, it is always interplay of factors. Puwede nga magkasama sa kuwarto, yung isa maysakit yung isa hindi nagkasakit," paliwanag ni Francisco.
Napabalita umano na nagkaroong ng history sa epilepsy at heart disease si Barbie. Gayunman, hindi masabi ni Francisco kung may kaugnay ang mga nabanggit na karamdaman sa pagkamatay ng aktres. -- FRJ, GMA Integrated News