Isang 17-anyos na dalagita ang napilitang itali ng kaniyang pamilya sa kanilang bahay sa Roxas, Palawan dahil sa kondisyon nito na kainin ang anumang mahawakan. Ano nga ba ang sakit niya at may pag-asa pa kaya siyang gumaling? Alamin ang kaniyang kuwento.Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo Jessica Soho," makikita ang kahabag-habag na kalagayan ng dalagitang itinago sa pangalang "Aurora," na halos buto’t balat na ang katawan, at nakatali ang magkabilang kamay at isang paa.Ayon sa kaniyang ina na si Marialyn, napilitan silang itali si Aurora dahil kinakain nito ang lahat ng mahawakan--maging ang dingding at sahig na kahoy ng kanilang bahay.“Kahit dingding, kahit damit, kahit kumot, kahit kulambo ngatngat nang ngatngat. ‘Yung mga sahig na ‘yan na tabla, gawa niya ‘yan ‘pag nagwawala siya, tinutuklap niya,” saad ni Marialyn.“Bilang isang magulang, matiis mo ba ‘yan makita mo ang anak mong ganyan? Kulang na lang itali mo ang buong katawan ng bulumbon ng tali para makita mo lang na safety,” dagdag niya.Dahil sa pagkakatali, hindi maiwasan na magkasugat si Aurora kapag hinahatak niya ang tali.Naawa sa kaniyang ateAng kapatid na si Ethan ang nag-aalaga sa kaniyang ate na si Aurora.Tanda pa ni Ethan ang panahon na nakakalaro pa niya ang kaniyang ate."Nag-iikut-ikutan, naghahabul-habulan po, nagtatago-taguan," kuwento niya. “Nu’ng umpisa ng naging sakit niya, nagbago na po siya. Masakit sa akin ‘yung si ate hindi makalaro gaya ng ibang bata kasi ‘yung ate ko, ganyan."Si Ethan din ang nagpapaligo kay Aurora gamit ang maligamgam na tubig. Ngunit hindi nila binibihisan si Aurora dahil baka kainin din niya ang damit.Upang hindi lamigin, nilalagyan si Aurora ng kumot.Dahil nakatali, si Ethan na rin ang nagpapakain kay Aurora.Kaya labis na nalulungkot si Ethan sa kalagayan ng kaniyang ate.Sa kabila nito, nagsisikap pa rin na makapag-aral si Ethan, na araw-araw pumapasok sa eskuwelahan. Gayunman, madalas na nale-late siya dahil sa pag-aasikaso kay Aurora.Nauunawaan naman ito ng kaniyang guro na si Erlyn Lagrosa.“Araw-araw siyang late kasi meron pa siyang responsibilidad na dapat gampanan sa bahay nila bago siya magpunta dito sa school,” anang guro.“Huwag siyang magsasawa sa pag-aalaga sa kapatid niya. Basta huwag niya lang pabayaan ‘yung kanyang pag-aaral,” dagdag ni Lagrosa.Ayon kay Ethan, nais niyang makatapos ng pag-aaral at pangarap niyang maging isang doktor.“Para makatulong din ako sa maraming tao. Gusto ko rin mapagaling si ate. Sabi niya daw ‘pag gumaling daw siya magiging isang doktor daw siya,” pahayag ni Ethan.Anong nangyari kay Aurora?Panganay si Aurora sa mga anak ni Marialyn sa dati niyang asawa na si Jy-Ar.Nang maghiwalay ang dalawa, nagtrabaho si Marialyn hanggang sa magkaroon ng bagong partner na si Dionvie. Nagkaroon sila ng dalawang anak, na isa si Ethan.Nahanap ng KMJS team si Jy-Ar sa Puerto Princesa City, na limang taon na raw hindi nakikita ang kaniyang mag-ina.Nagulat at nalungkot si Jy-Ar nang makita hitsura na ngayon ni Aurora."Ang payat niya na. Hindi po ako makapaniwala kasi kinuha niya sa akin ito, ang sabi niya—nangako siya sa batas na alagaan niya. Tapos makikita ko ganito na ang sitwasyon niya,” naiiyak niyang pahayag.Gayunman, aminado siya na hindi niya maaaring kunin si Aurora dahil na rin sa problema sa kaniyang pamilya.Tulong kay AuroraNagbigay ng tulong ang Municipal Social Welfare and Development Council ng Roxas para sa pamilya ni Aurora. Kabilang dito ang mga groceries at beddings.Binigyan din ng full scholarship hanggang kolehiyo si Ethan.Binisita naman ng local health officer na si Dr. Lei Parreño si Aurora, upang masuri at kinalaunan ay dinala sa pagamutan.Ayon kay Parreño, malnourished si Aurora at dapat masuri ng espesyalista sa Ospital ng Palawan sa Puerto Princesa City kaugnay ng kaniyang kondisyon.Sinabi naman ni Margie Taclobao-Francia, Medical Officer III/Pediatrician, posibleng may kondisyon na psychosis si Aurora na kailangan ma-confine upang ma-stabilize siya. Nakitaan din si Aurora ng tatlong mental health conditions. Una ang neurodevelopmental disorder, o hindi akma sa kaniyang edad ang kaniyang kakayanan.Ikalawa ang disorganized behavior at disorganized speech, na nasa ilalim ng schizophrenia spectrum disorder.Posible rin umanong may eating disorder si Aurora na tinatawag na "pica.“Ang pica po ay ang pagkain ng mga bagay na hindi akmang pagkain, kagaya ng lupa, papel, kumot, at iba pang bagay na walang nutritional value sa katawan ng isang bata,” "paliwanag ng duktor.Ipinaliwanag naman ng psychiatrist na si Randy Dellosa na hindi ang pagtali ang dapat na tugon sa kondisyon ni Aurora.“Ang unang response ay siyempre dalhin sa doktor para ma-evaluate siya nang mabuti,” saad niya.“Isang reason kaya nagpapatuloy itong siguro pagtatali ng mga taong may mental health conditions ay unang-una, ignorance. Isa pa is poverty. Mahirap na nga sila, hindi pa nila alam kung ano ‘yung nangyayari. Hindi naman masama ‘yung intensyon nila pero 'yun talaga ‘yung alam nilang puwedeng gawin para matulungan siya,” dagdag niya.Matapos mamalagi sa ospital ng isang linggo, pinayagan na si Aurora na umuwi upang doon na lang sa kanilang bahay magpatuloy na magpagaling.“Hindi na po siya namin itatali kasi babantayan na po siya namin. Humihingi kami ng tulong para tuluyan gumaling yung anak ko,” sabi ni Marialyn.Para sa mga nais tumulong kay Aurora, maaaring magpadala o mag-deposito sa:LANDBANK PUERTO PRINCESA, PALAWANACCOUNT NAME: MARIA LYN B. DIOCADESACCOUNT NUMBER: 0466 446130 — mula sa ulat ni Nika Roque/FRJ, GMA Integrated News