Gumawa ng bagong uri ng patis ang mga mananaliksik mula sa University of the Philippines Visayas (UPV) sa Iloilo. Pero sa halip na karaniwang isda, tahong ang kanilang ginamit para kunin ang katas.
Sa ulat ni Kuya Kim Atienza sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, ang produktong tinawag na “tahong patis” ay binuo upang makalikha ng mas masustansiyang sawsawan habang ginagamit ang masaganang industriya ng tahong sa Panay Island, partikular na sa Capiz.
Hindi tulad ng tradisyonal na patis na ginagawa sa pamamagitan ng pagbuburo ng isda na nilagyan ng asin, tahong ang pangunahing sangkap ng tahong-patis.
“Tahong is a major industry especially in Panay Island, particularly in Capiz,” ayon UPV Acting Vice Chancellor for Planning and Development na si Prof. Reynold Tan.
Ayon kay Tan, kinukuha ang laman ng tahong mula sa shell nito at ang likido. Pagkatapos, hahaluan ng asin.
“Then, we mix it with salt. We rinse them and then we ferment them in fermentation tanks,” paliwanag niya.
Sabi pa ni Tan, mas masustansiya ang tahong-patis dahil mas kaunti ang asin nito.
“It has higher protein content. At the same time, it contains more nutrients as compared to our traditional patis," patuloy niya.
Kung tataas ang demand para sa tahong-patis, maaari itong maging karagdagang pagkakakitaan para sa mga magtatahong sa Panay Island.
“We saw an opportunity that maybe we can increase income out of the produce that they have,” ani Tan. “Right now we are in the process of selling the idea of commercializing, but we are still tweaking the entire supply chain."
Bagama’t nakadaragdag ng lasa sa pagkain ang patis, nagpaalala naman ng nutritionist at dietitian na si Arwenn Victoria Romer sa publiko na limitahan ang pagkonsumo ng sodium o asin na makukuha sa patis.
"Kapag napataas ang ating sodium consumption, magkakaroon tayo ng possibility na it could lead to non-communicable diseases, specifically hypertension and cancer. As much as possible, sa mga may fish and shellfish allergies iwasan natin ito," paliwanag niya.
Ayon kay Kuya Kim, ang pinaka-unang brand ng patis na nalikha sa Pilipinas ay nanggaling sa Malabon, na napapaligiran ng mga ilog at estero na konektado sa Manila Bay.
Dahil dito, nagkaroon ito ng daan para sa pangingisda at pagproseso ng mga isda, kung saan umunlad din ang pagproseso ng pag-aasin at pagbuburo ng isda na pangunahing proseso sa paggawa ng patis. —Jade Veronique Yap/FRJ GMA News
