Nahuli-cam sa loob ng isang convenience store sa Dagupan City, Pangasinan ang ginawa ng isang lalaki na ipinahid niya sa kaniyang kilikili sa tindang deodorant. Pero sa halip na bayaran ang deodorant, isinara niya ito at ibinalik sa estante.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, makikita sa CCTV camera sa loob ng isang convenience store sa Arellano St., ang lalaki na patingin-tingin sa mga paninda sa estante.

Ilang saglit lang, kinuha niya ang isang deodorant at binuksan, saka niya pasimpleng ipinahid sa magkabila niyang kilikili. Matapos nito, muli niyang isinara ang deodorant at ibinalik sa estante na parang walang nangyari.

Nang malaman nang pamunuan ng tindahan ang ginawa ng lalaki, ipinost nila online ang video.

Nakasaad sa caption sa post na “very unhygienic at very squammy” ang ginawa ng lalaki.

Tiniyak din ng pamunuan ng tindahan na inalis na nila sa estante ang naturang deodorant na ginamit ng lalaki.

Ayon naman sa provincial director ng Department of Trade and Industry sa Pangasinan, na bagaman protektado ang karapatan ang mga consumer sa ilalim ng Consumer Act of the Philippines, iginiit nito na dapat maging responsable ang mga mamimili.

“Kapag na-consume natin ang isang personal product, dapat bibilhin natin or babayaran natin. Kasi sino naman ang bibili ng isang produkto na ginamit na personally tapos ibabalik pa? Hindi naman ‘yan kasama doon sa consumer right ng isang consumer,” pahayag ni Natalia Dalaten, Provincial Director, DTI, Pangasinan.

Pinayuhan din ang publiko na tiyaking selyado ang produkto na kanilang bibilhin. – FRJ GMA News