Namamangha at nahihiwagahan ang ilang nakakaalam tungkol sa isang kuweba sa Bohol dahil namamatay ang apoy kapag natapat na sa bukana nito. Ano nga bang misteryo ang bumabalot sa lugar? Alamin.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” itinampok ng cave explorer at vlogger na si Menandro “Ideatopia” Cajandab at ng kaniyang mga kasamahan, dahil kakaiba nilang natuklasan sa kuweba.
Para na rin sa kaligtasan ng mga tao, hindi tinukoy ang partikular na kinaroroonan ng kuweba para hindi puntahan habang hindi pa natitiyak na ligtas ito.
Kuwento ni Menandro at ng asawa niyang si Apple, walang kuweba na hindi sumasama ang kanilang aso. Pero sa naturang misteryosong kuweba, napansin nilang ayaw sumama ang aso nang malapit na sila rito.
Si Roy Joseph Talo na kasamahan ni Menandro, sinabing walang hangin sa kuweba at sumisikip ang kaniyang dibdib.
Ayon kay Menandro, amoy lupa ang sinisingaw sa kuweba.
Sinubukan nina Menandro na ilapit ang sinindihan niyang palapa ng niyog sa bukana ng kuweba. Pero kahit malakas ang ningas ng apoy, namatay ito nang itapat na sa bukana ng kuweba.
Ngunit nang inilayo na nila ito mula sa kuweba, muli itong nagliyab.
Isang visual artist si Menandro na sadyang namamangha sa precious stones na matatagpuan sa bansa. Kaya naman na-engganyo na rin siyang mag-vlog at mag-explore sa mga kuweba.
Higit sa 100 kuweba na ang kaniyang napasok, at halos 20 rito ay nasa Bohol.
Para naman kay Loloi Segura, may-ari ng lupa kung saan matatagpuan ang kuweba, sadyang mahiwaga ang kuweba dahil ‘di umano sa mga nakatira rito.
“Kapag kabilugan ng buwan, doon na sila lumalabas at nagpapakita kung gusto nilang magpakita sa iyo,” sabi ni Tatay Loloi.
“Noong 1981, may nakita akong matangkad, kapre! Tumakbo ako kasi natakot ako” kuwento pa niya.
Bukod dito, may nakita na rin siyang mahaba ang buhok at nakasuot ng puting damit na naglalakad papunta sa kuweba.
Dati nang labas-masok si Tatay Loloi sa kuweba. Ipinunto niyang mahalagang magpaalam muna sa mga bantay ‘di umano ng kuweba.
Ang residente namang 88-anyos na si Gil Manlangit, dumadayo roon sa kuweba para manghiram sa mga elemento ng kubyertos.
Hanggang sa may ilang residente umano ang nakabasag ng mga hiniram nilang plato, kaya magmula noon, hindi na muling nagpahiram pa ng gamit ang mga elemento.
Tunghayan sa KMJS ang ginawang pagsusuri ng Cave Assessment Team ng Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) sa kuweba kasama ang grupo ni Menandro, at ang mga posibleng paliwanag kung bakit may kakayahan itong pumatay ng apoy. Panoorin ang buong video. – FRJ GMA News
