Isang lalaki ang nahuli-cam na inatake ng mga bubuyog sa gitna ng highway sa San Fernando, Camarines Sur.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Huwebes, mapanonood na may itinataboy ang lalaki gamit ang kaniyang mga kamay hanggang sa mapaupo na siya sa kalsada.

Tinulungan ang lalaki ng isang safety officer, pero inatake rin siya ng mga bubuyog kaya tumakbo palayo.

Kalaunan, dumating ang mga taga San Fernando DRRMO upang tulungan ang lalaking nagtamo ng mga “sting” o tusok ng mga bubuyog sa katawan.

Magpuputol umano ng sanga ng puno ang lalaki nang atakihin siya ng mga bubuyog.

Batay sa U.S. Department of Agriculture, ipinapayo nito na kung sakaling atakihin ng mga bubuyog, tumakbo agad nang mabilis at takpan ng damit ang mukha para protektahan ang mga mata, ilong at tenga na pinupuntirya ng mga bubuyog.

Pumunta sa loob ng sasakyan, gusali o anumang madilim na lugar para lituhin ang mga bubuyog.

Iwasang itaboy o hampasin ang mga ito dahil lalo lamang magagalit.

Kapag na-sting o natusok, agad tanggalin ang stinger sa pakayod na paraan gamit ang kuko o flat na bagay.

Huwag umanong bubunutin ang stinger dahil lalo lang kakalat sa sugat ang venom o kamandag ng bubuyog. – Jamil Santos/FRJ GMA News