Ibinasura ng Bacoor Regional Trial Court (RTC) ang apela ni Archie Alemania na baligtarin ang naunang desisyon ng Bacoor Municipal Trial Court (MTC) na guilty siya sa kasong acts of lasciviousness na isinampa laban sa kaniya ng aktres na si Rita Daniela.

Sa desisyong may petsang Agosto 3, 2026, at nilagdaan ni Presiding Judge Persephone Meir B. Belena, pinagtibay ng Bacoor Regional Trial Court (RTC) Branch 116 sa Cavite, ang desisyon ng Bacoor Municipal Trial Court (MTC) in Cities Branch 2 noong Oktubre 2025, na naghatol kay Alemania na guilty beyond reasonable doubt o napatunayang nagkasala nang walang pagdududa sa kasong acts of lasciviousness.

Ang kopya ng desisyon ng korte ay ibinigay sa GMA News Online ng kampo ng aktres.

Nag-ugat ang kaso sa reklamong inihain ni Daniela laban kay Alemania kaugnay ng umano’y insidente noong Setyembre 2024 sa Bacoor City.

Batay sa impormasyong binanggit sa desisyon ng korte, nakasaad na sapilitang hinalikan umano at hinawakan ni Alemania si Daniela sa katawan nang walang pahintulot ng aktres.

Nang basahan noon ng sakdal si Alemania, naghain ang aktor ng not guilty plea, o iginiit niyang wala siyang kasalanan.

Sa apela ng aktor, iginiit niya na hindi kapani-paniwala ang mga paglalarawan ni Daniela sa pangyayari dahil na rin umano sa ayos ng sasakyan kung saan sinasabing nangyari ang ginawa niyang pambabastos.

Subalit ibinasura ng korte ang argumento ni Alemania at sinabing, "The acts described, restraining, kissing, and groping inside a vehicle are not inherently impossible. They may be uncomfortable or difficult, but not contrary to human experience."

Tungkol sa usapin ng reasonable doubt, sinabi ng korte na isinasaalang-alang nito ang kabuuan ng mga ebidensiya, kabilang ang tinawag nitong mga kapani-paniwala at magkakatugmang salaysay ni Daniela, mga pag-amin ni Alemania, ang kaniyang mensahe ng paghingi ng tawad, at iba pang pangyayari.

"[T]his court is convinced and satisfied that the evidence tendered by the prosecution for the purpose of establishing the guilt of the accused beyond reasonable doubt warrants the conviction of the accused," saad sa desisyon.

“Wherefore, the appeal is denied. Accordingly, the decision of Municipal Trial Court in Cities of Bacoor City, Branch 2, in Criminal Case No. BCCR-25-0221 finding accused-appellant guilty beyond reasonable doubt for the commission of the crime of acts of lasciviousness under Article 336 of the Revised Penal Code is hereby affirmed in toto," patuloy nito.

Ayon sa abogado ni Daniela na si Atty. Maggie Abraham-Garduque, “very happy” ang aktres sa naging desisyon ng korte.

“Rita is very happy about it. This shows that the decision of the MTC convicting Archie for acts of lasciviousness is correct,” saad ni Abraham-Garduque sa ipinadalang mensahe sa GMA News Online.

“Since Archie did not avail of probation but instead opted to appeal the decision of MTC convicting him for the offense of acts of lasciviousness, upon finality of the decision he should serve his sentence of imprisonment,” dagdag niya.

Hinihintay pa ng GMA News Online ang reaksyon ni Alemania sa naturang desisyon.

Noong Oktubre 2024, nagsampa si Rita ng reklamo ng acts of lasciviousness laban kay Alemania. Sa reklamo ng aktres, hinalikan at hinawakan umano siya ni Alemania nang walang pahintulot.

Paulit-ulit din umanong nagbitaw ng hindi angkop na mga komento ang aktor laban sa kanya matapos ang isang Thanksgiving party na ginawa noong Setyembre 2024. Sa mismong party, nagbitiw din umano si Alemania ng malaswang salita tungkol kay Daniela.

Noong Oktubre 2025, hinatulan ng Bacoor MTC in Cities Branch 2 si Alemania na guilty sa kasong acts of lasciviousness na isinampa laban sa kaniya ni Rita.

Iniapela ni Alemania ang naturang desisyon sa mas mataas na korte na RTC.

Sa nakaraang panayam ni Ogie Diaz sa kaniyang Youtube Channel, mariing itinanggi ni Alemania ang mga puna sa kaniya ng ilan na bastos o “manyak” siya.

Inilahad din ng aktor na labis na nakaapekto sa kaniyang trabaho ang kinaharap niyang kaso.

“I don’t have tapings. No work. Total stop, until now,” sabi ng aktor.—Jade Veronique Yap/FRJ GMA News