Isang proud na single mother si Pokwang matapos ang paghihiwalay nila ng dating partner. Ang aktres, nagbigay ng payo sa mga babaeng nakararanas ng pang-aabuso mula sa kanilang mga asawa o kinakasama.
Sa kaniyang guesting sa “i-Listen” kasama si Kara David, ibinahagi ni Pokwang na ang kaniyang mga anak at apo ang nagpapasaya sa kaniya ngayon.
Anim na taong gulang na rin ang kaniyang apo na lalaki mula sa anak niyang si Mae.
“Yan 'yung mga dahilan kung ba't bumabangon ako, lumalaban sa buhay. Kasi talagang, alam mo paggising mo, sila agad 'yung makikita mo, ‘yung kakulitan, nag-uunahan sa tabi mo. Napakasaya lang,” sabi ni Pokwang.
Payo ni Pokwang sa mga babaeng tinitiis ang pang-aabuso ng asawa, hindi nila ito dapat hayaan na mangyari.
“Ako, ang masasabi ko, ipaglaban niyo 'yung mga anak niyo. Hindi 'yung sariling kaligayahan niyo o 'yung sariling takot niyo,” sabi niya.
Dagdag niya, ang pagiging babae ay hindi nangangahulugan ng pagiging mahina.
“Ako kasi, mas takot ako mawalan ng anak kaysa mawalan ng partner. Hindi dapat gamitin natin 'yung pagiging mahina dahil babae ka. Hindi dapat tayo kumakapit doon. ‘Babae kasi ako,’ hindi. Hindi, ‘babae ka lang.’ Babae ka. Nanay ka. May mga anak ka. At hindi naman nila gusto isilang sa mundong ito. So dapat, sila 'yung pinaglalaban natin,” giit niya.
Pinuri ni Pokwang ang mga kababaihan ngayon na kaya nang makipagsabayan pagdating sa trabaho.
“Kaya dapat, ano rin tayo, ‘wag natin bigyan ng space sa tahanan natin 'yung lahat ng klaseng pang-aabuso,” giit niya.
Ayon kay Pokwang, matapos niyang manalo sa inihain niyang kaso laban sa dati niyang partner, maraming babae ang nagpadala ng mensahe sa kaniya na nakaranas umano ng pang-aabuso.
“Grabe, ‘no? Nu’ng nanalo ako, sumasabog 'yung DM ko doon sa mga babae na nakaranas ng pang-aabuso. Sabi nila sa akin, Miss Pokwang, anong gagawin ko? Kasi meron akong ganito, ganiyan. Physically abused siya. Financially, ganiyan. Tapos sabi ko, ‘Pumunta ka sa, ito, pumunta ka sa Camp Crame, Women and Children's Desk. Maghanap ka ng lawyer na magaling. Mag-ipon ka ng mga ebidensya,’” kuwento niya. – FRJ GMA News
