Pinatawan ng Land Transportation Office (LTO) ng parusang Perpetual Revocation o Lifetime Ban sa pagkuha ng lisensya sa pagmamaneho ang driver na nakasagasa at nakapatay sa isang batang apat na taong gulang sa Pasig City noong nakaraang Setyembre.
BASAHIN: Bata na bibili ng biskwit sa tindahan, nasawi matapos magulungan ng SUV sa Pasig
Sa inilabas na pahayag ng LTO ntong Biyernes, sinabing ipinataw ang parusa laban sa driver at rehistradong may-ari ng Sports Utility Vehicle na sangkot sa insidente matapos ang isinagawang imbestigasyon.
Inilabas ng LTO ang pasya batay umano sa nakalap na mga impormasyon sa isinagawang pagdinig matapos na padalhan ng Show Cause Order ang driver.
BASAHIN: LTO, naglabas ng SCO laban sa SUV driver na nakasagasa sa 4-anyos na babae sa Pasig
Napatunayan umano na nagkasala ang driver ng "Reckless Driving" at idineklarang "Improper Person to Operate a Motor Vehicle" kaya ipinagbawal na sa kaniya na kumuha ng lisensiya muli sa pagmamaneho nang habambuhay.
“Nananatiling nasa alarm status ang sasakyan ng sangkot na drayber bilang bahagi ng pagpapatupad ng kaukulang aksyon ng LTO,” ayon pa sa pahayag. -- FRJ GMA News

