Napurnada ang pagholdap ng isang lalaki sa isang motor shop sa Davao City matapos manlaban ang dalawang lalaki sa loob nito. Pero hindi lang pala ang naturang establisimyento ang pinuntirya ng salarin.

Sa ulat ni Danica Raneses ng GMA Regional TV One Mindanao nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente kaninang dakong 1:37 am sa Matina Aplaya, Davao City.

Sa CCTV footage, makikita ang lalaking may suot na helmet na pumasok sa motor shop na armado ng baril. Tinutukan niya ang dalawang lalaki na inabutan niya sa loob.

Pero isa sa mga lalaki ang nagtangkang agawin ang baril ng salarin pero nabigo ito. Dito na nagpaputok ng baril ang kawatan at tinamaan ng bala sa braso ang isang biktima.

Napilitan na ring umalis ang salarin na walang nakuhang pera mula sa shop.

Dinala naman sa ospital ang sugatang biktima at maayos na ang kaniyang kalagayan.

Pero bukod sa shop, isang babae rin ang napag-alaman na tinutukan ng baril ng salarin at tinangayan ng bag.

Isang mini grocery din ang hinoldap ng salarin at nakatangay siya ng tinatayang P2,000 cash.

Patuloy na pinaghahanap ng pulisya ang suspek, at naglaan ang Davao City Police Office ng P500,000 pabuya sa sino mang makapagtuturo sa kinaroroonan nito. -- FRJ GMA News