Hindi maiwasang mangamba ng isang mag-asawa sa bayan ng Malitbog, Southern Leyte dahil ang kanilang 5-anyos na anak, mabilis na lumobo ang mga braso, binti, at mukha. Pero ang kanang bahagi ng mata nito, walang laman nang ipanganak. Ano nga kaya ang kaniyang kondisyon? Alamin.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica,” itinampok ang mag-asawang sina Joeramie at Sarah Luzaran at ang kanilang bunsong anak na si “Janjan,” hindi nito tunay na pangalan.

May bigat si Janjan na 25 kilos o singbigat ng kalahating sako ng bigas, kaya naman hirap siyang maglakad.

Madalas mang hindi maintindihan ang kaniyang mga sinasabi, may pagkamadaldal si Janjan. Sa paggalaw ng kaniyang mga kamay at paa niya na lamang ipinakikita ang kaniyang saloobin.

Hindi naman mahirap pakainin si Janjan, na limang beses kumain sa isang araw. Ngunit madalas natutumba si Janjan kapag nakaupo, kaya nakahiga siya kung sinusubuan.

Libangan ni Janjan ang pakikinig ng music o pagkiskis ng sirang toothbrush sa subo-subo niyang suklay na para bang gitara.

Hindi man nakakakanta, pilit ding gumagawa ng tunog si Janjan.

Paborito ni Janjan na tumambay sa ibinigay sa kaniyang wheelchair noon habang nakakandong sa kaniyang inang si Sarah.

Bunso sa dalawang magkakapatid, si Janjan, na isang menopausal baby. Dalawampung taon ang agwat nila ng kaniyang kuya Jameson.

Ipinagbubuntis pa lamang si Janjan, natuklasan nang may diperensiya ito sa mata.

Malaking bulas si Janjan nang isilang. Nakakalakad dati si Janjan, at tatlong taong gulang nang matutong magsalita.

Noong mag-aapat na taong gulang na siya, lalo pang lumobo ang kaniyang katawan.

Nagbebenta ng bibingka si Sarah, at isa namang magsasaka si Joeramie.

“Kita ng asawa ko P400 isang araw. ‘Pag naisip ko na kung mawala man ako or 'yung papa niya, tapos ganiyan siya, sino mag-aalaga sa kaniya?... Gusto ko po siyang makapalakad, makapagtapos ng pag-aaral kahit ganiyan siya,” sabi ni Sarah.

“Gusto sana namin na makakita si Janjan. Para normal ‘yung paningin niya sa mga tao,” hiling ni Joeramie.

Kasama ang KMJS, dinala si Janjan sa mga espesyalista upang alamin ang kalagayan ng kaniyang kalusugan. Posible kayang may kaugnayan sa edad ng pagbubuntis ni Sarah ang development ng katawan ng bata? Panoorin. – FRJ GMA News