Dalawang babaeng estudyante ang nasawi nang ma-trap sila sa nasusunog na boarding house sa isang residential compound sa Cagayan de Oro City.
Sa ulat ni James Paolo Yap sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente kaninang umaga sa Barangay Nazareth.
Isa sa mga nasawi ay anak mismo ng may-ari ng boarding house.
Ayon sa may-ari, nang malaman niya ang sunog, tinawagan niya ang anak na nasa loob noon ng boarding house pero hindi ito sumasagot.
Tanghali na nang mailabas ang mga sunog na labi ng mga biktima, na kinilala ng kanilang mga kaanak at kaibigan.
Isasailalim sa awtopsiya ang mga labi, ayon sa opisyal ng barangay, na hiniling umano ng mga pamilya ng mga nasawi.
Hindi pa tukoy ng mga awtoridad ang pinagmulan ng sunog na umabot sa ikatlong alarma.
Pero ayon sa may-ari ng boarding house, nagpalit sila kamakailan ng mga lumang kawad.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.—FRJ GMA News
