Ang kare-kare na isa sa mga paboritong putahe ng mga Pinoy, hindi na lang matitikman bilang ulam kundi ginawa na rin itong flavor sa cookies bilang dessert, at maging sa lasa ng kape.

Sa nakaraang episode ng I Juander, itinampok ang kainan ni John dahil sa natatangi niyang kare-kare na pinartner sa lechon kawali at crispy chicharong bulaklak.

“Para sa akin special ang kare-kare kasi naaalala ko na nandiyan pa ‘yung mother ko. ‘Yung time na pinagluluto niya ako ng kare-kare. ‘Yung kare-kare namin ngayon, kung saan kami dati bumibili ng mother ko ng giniling na mani, ‘yun pa rin ‘yung gamit namin,” sabi ni John.

“Kaya para sa akin, special siya kasi feeling ko kasama ko ‘yung mother ko,” dagdag niya.

Ngunit ang kare-kare, naisipang lagyan ng twist ng ka-Juander na si Trish sa kanilang restaurant.

Gumawa rin siya ng kare-kare cookies, para makasabay sa makabagong panahon.

“‘Yun mga reaction po ng mga tao po kasi nga po, sinabing kare-kare, ulam. Savory po ‘yung naisip nila,” sabi ni Trish.

Pero hindi lang sa cookies nailipat ang lasa ng kare-kare dahil puwede rin pala ito sa kape.

Sa paggawa ng kare-kare ice latte, unang inilagay sa baso ang yelo, gatas at espresso shot. Sunod na ilalagay sa ibabaw ang cold foam na gawa sa pinaghalong cream, gatas, peanut butter at bagoong alamang.

Tunghayan sa “I Juander” kung pasado kaya sa panlasa ng ilang customers ang kare-kare cookies at coffee. Panoorin.—FRJ GMA News