Taong 2014 nang ibalita ang karumal-dumal na pagpatay kay Zenaida Sison, ina ng aktres na si Cherry Pie Picache. Ang suspek, ang tagalinis ng kanilang bahay. Sa kabila nito, paano nga ba nagawa ni Cherry Pie na patawarin ang taong pumaslang sa kaniyang ina? Alamin.
Sa nakaraang episode ng “I-Listen” ni Kara David, inalala ni Cherry Pie na Setyembre 19, 2014, o 12 taon na ang nakararaan, mula nang paslangin ang kaniyang inang si Zenaida sa Scout Lazcano, Quezon City.
Nagtamo ng mahigit 30 saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Zenaida, na gawa ng tagalinis ng kanilang bahay na si Michael Flores.
Pagnanakaw ang tinitingnang motibo ng pulisya sa krimen. Ayon sa ulat, natukoy si Flores sa tulong ng kuha ng CCTV at ng mga damit na kaniyang naiwan sa pinangyarihan ng krimen.
Kalaunan, nakita na nang personal ni Cherry Pie si Michael nang mahuli na ito. Pinatawan ng korte ang suspek ng 20 hanggang 40 taong pagkakabilanggo.
Ikinuwento ni Cherry Pie na sinugod niya ang suspek nang makita niya ito.
Pagpapatawad
Kalaunan, napaulat na matapos ang ilang taon, napatawad na ni Cherry Pie si Flores, na binisita pa ng aktres sa bilangguan.
“Ano naman ‘yun, process. Ang tagal. Three years,” sabi niya.
Kuwento ni Cherry Pie, malaking tulong na 15 taon na siya noon pa man sa prison ministry, at bahagi rin ng koalisyon laban sa death penalty.
“So, I think, hindsight, siguro, malaking tulong na... 'di ba 'yung wala kang masyadong aversion du'n sa mga PDL, 'di ba? Tapos alam mo, open ka, 'yung gano'n, nakasalamuha mo na sila, alam mo ang sitwasyon,” sabi niya.
“Pero kasi, 'di ba, 'pag may nangyari sa'yo 'yung gano'n, wala ka naman talaga ibang kakapitan kundi faith eh. ‘Yun lang naman talaga,” pagpapatuloy niya.
Nagsimula ang proseso ng kaniyang pagpapatawad sa pagdadasal.
“One time sa Mass, when I was praying ‘Our Father,’ tas 'yung ‘Give us this day our daily bread, and forgive us our sins.’ So parang may [sumagi] lang na parang humihingi ako ng tawad. Pero punong-punong ng galit, tsaka ng vengeance ng paghihiganti 'yung puso ko,” kuwento niya.
Pag-amin ng aktres, hindi niya naitanggi na gusto niya ring gantihan ang lalaking pumatay sa kaniyang ina.
“Kasi siyempre, 'di ba, natural, in that process, let's say, 'yung mga earlier months ‘yun eh, siyempre, andiyan 'yung gusto mong gumanti. Nagalit ka, gusto ipa ganiyan,” paglalahad ng aktres.
Pero sinabi n Cherry Pie na wala siyang pinagkaiba kung gagawin din niya ang ginawa ng suspek.
“And then, ‘yun 'yung question ko. Bakit parang gusto kong patawarin?,” saad niya.
Sa tulong na rin ng payo mula sa kaparian na malalapit sa kaniya, unti-unting napatawad ni Cherry Pie si Flores.
“Tapos, doon na ako nag-pathway to forgiveness. Tapos, nag-talk na ako nang nag-talk. So, ‘yun. Three years until 'yung it happened,” ayon kay Cherry Pie.
Sabi ni Cherry Pie sa isang panayam noon tungkol sa pagpapatawad niya sa suspek: “Naniniwala kasi ako, to forgive is a grace. It's always a grace. It's given. It's a gift from God. So you pray. You process it. Hindi naman kailangan madaliin.”
Ayon sa kaniya, magkakaroon ng tunay na paghilom ng sugat, kung makikitang nagsisisi ang taong nakasakit.
“I think that's when the actual healing happened. Kasi 'yung makita mo 'yung assailant mo na talagang remorseful, nagsisisi. Alam mong nagsisisi siya. I think sa biktima, malaki ang tulong. I think nga, 'pag nangyari ang isang violence sa isang tao na wala sa sarili niya, I think it's harder for them. Kasi 'pag bumalik na sa tamang katinuan, pagsisisihan nila ‘yun,” ayon sa aktres.
Dagdag niya, mas mahirap para sa mga nasa bilangguan na iproseso ang kanilang ginawang krimen.
“Kaya sa isang PDL, meron din silang process. Kaya sila may three months isolation for extreme cases. Kasi kailangan nilang mapatawad din 'yung sarili nila. I think that was the hardest part. And that was what I realized nu’ng nakausap ko rin siya (Flores),” patuloy niya.
Ayon kay Cherry Pie, pinagsisihan din ni Flores ang ginawa sa kaniyang ina.
“Nagsisisi siya, pero at that time, hirap siya,hindi pa lubos. So, ang sinasabi ko rin sa kaniya, ‘Pinatawad na kita, patawarin mo na sarili mo. So that, 'yung dignity mo as a human being, bumalik ka na in your right senses. Now you're back to how you are created. Trabahuhin mo na rin,’” sabi ng aktres.
Hindi umano humingi ng tawad sa kaniya si Flores.
“Kasi I think, ang responsibilidad naman, humingi ng tawad o hindi, [patawarin mo]. Nasa sa ‘yo ‘yun. Kung pupunuin mo ng galit, 'di ba? May option ka eh. Kung pupunuin mo ng galit, ng paghihiganti, ng poot, ng negative emotion ng sarili mo. So, hindi kailangan humingi ng sorry,” paliwanag niya.
Dagdag niya, responsibilidad na ng isang taong nagkasala kung gusto niyang magsisi.
“[Forgiveness], you do to yourself and you hate the sin but not the sinner. So, galit ka du'n sa ginawang masama. Pero, doon sa tao, kumbaga, buntot niya, hila niya,” paliwanag ng aktres.
Pero sa taong naagrabyado, nagpayo siya na huwag hayaang mamuo ang galit.
“Ikaw naman, siguro, bilang victim, in whatever circumstance, nasa sa 'yo na 'yun eh. Kasi kung bibitbitin mo nang bibitbitin, parang ang daming baggage,” sabi ni Cherry Pie.
Sa kabila nito, naniniwala si Cherry Pie na naroon pa rin ang hustisya dahil pinagbabayaran ng salarin ang kaniyang kasalanan, ngunit nagkakaroon siya ng pagkakataon na ibalik ang kaniyang dignidad.
“Pero ang diperensya, 'yung pangalawang pagkakataon na binibigay natin sa kaniya, na ibalik niya 'yung dignidad niya bilang tao. Kahit na pinagbabayaran niya 'yung kasalanan niya,” ayon sa aktres.
Ibinalita ni Cherry Pie na kahit nagtatrabaho sa loob ng kulungan, si Flores na ang nagpapaaral sa mga pamangkin nito na nasa labas.
“So bumabalik 'yung dignity ng tao. Eh ganoon naman tayo ginawa ng Diyos. How we were created. Everybody was created good. So kailangan mong bigyan ng pagkakataon. Kasi puwede eh. Wala naman imposible,” dagdag niya.—FRJ GMA News
