Lumabas sa pag-aaral ng mga mananaliksik sa Germany na lumiit umano nang hanggang six percent ang utak ng mga runner na lumahok sa isang napakahabang foot race mula Italy hanggang Norway. Nangangahulugan kaya ito na peligroso ang pagtakbo nang malayo sa utak ng tao? Alamin.
Sa “Dami Mong Alam, Kuya Kim!” sinabing sa naturang karera, kailangang tumakbo ang mga runner ng 4,500 kilometro ng 64 na araw, o mistulang ilang araw na road trip na mula Luzon hanggang Mindanao.
Batay sa mga mananaliksik, hindi pa tiyak ang eksaktong dahilan ng pagliit ng utak ng runner.
Pero napansin umano nila na ang bahagi ng utak na responsable sa visual processing o pagproseso ng mga nakikita ng tao ang pinakaapektado.
Isa sa kanilang hypothesis o hinala, posibleng may kaugnayan ito sa paulit-ulit na pagtitig ng mga runner sa daan sa loob ng 64 araw.
Posible ring nag-a-adjust ang utak para mailipat ang enerhiya sa ibang parte ng katawan na mas nangangailangan nito habang tumatakbo nang napakalayo.
Binigyang-diin naman na isa lamang itong hypothesis at kailangan pa ng karagdagang pag-aaral upang ganap na maunawaan ang pangyayari.
Ang magandang balita, na sa loob naman ng anim na buwan, bumalik din sa dating laki ang utak ng mga runner.
Nangangahulugan umano na pansamantala lamang ang pagbabago sa sukat ng utak ng mga kasali sa ginawang pag-aaral.
Bukod sa utak, pinag-aralan din ng mga researcher ang cartilage, o ang tissue na nagsisilbing proteksiyon sa pagitan ng mga buto para makatulong sa pagsalo ng impact.
Natuklasan nilang unti-unti itong nabawasan sa unang 2,500 kilometro ng karera, ngunit nagsimula itong muling mag-regenerate matapos ang race.
Nilinaw na Kuya Kim na hindi ito nangangahulugang masama na ang pagtakbo para sa utak ng tao.
Sumabak ang mga runner sa pag-aaral sa extreme endurance race na tumagal ng 64 araw.
Wala ring ebidensiya na nagdudulot ng kagayang epekto sa brain ang ordinaryong jogging o pagsali sa isang marathon.
Katunayan, maraming pag-aaral ang nag-uugnay na may mabuting epekto sa kalusugan ng brain ang regular na physical activity. – FRJ GMA News
