Iniimbestigahan ng Department of Education (DepEd) ang isang guro sa Mapandan, Pangasinan dahil sa pagpapainom umano sa dalawang estudyante ng softdrinks na may dura ng mga kaklase bilang paraan ng pagdesiplina. Paliwanag ng guro, tatakutin lamang sana niya ang dalawang mag-aaral, na lumalabas na naunang nagpainom sa kaklase ng inumin na may dura.
Sa ulat ni Jasmin Gabriel-Galban ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkoles, ipinakita ang nag-viral na video sa pag-inom ng softdrinks sa dalawang mag-aaral na may dura umano ang iba nilang kaklase sa loob ng isang public school sa Mapandan.
Mga kapuwa kaklase ng dalawang estudyante ang nagpainom pero alinsunod umano ito sa utos ng kanilang guro na lumabas noon sa silid-aralan.
Makikita rin sa video na lumabas at sumuko sa plant box ang dalawa matapos ang ginawang pag-inom sa softdrinks.
Napanood ng ama ng isa sa mga pinainom na estudyante ang video ng insidente na nangyari noong October 15 habang recess ang klase.
Base umano sa kuwento ng kaniyang anak, una muna silang umiinom ng softdrinks kasama ang isa pang biktima. Nanghingi raw ang isa nilang kaklase at sila ang unang naglagay ng dura sa softdrinks na ibinigay sa kaklase na hindi nito nalalaman.
Nang malaman ng guro ang ginawa ng dalawang estudyante, nagpabili ito ng softdrinks at ginawa sa kanila ang ginawa nila sa kanilang kaklase.
Masama ang loob ng ama sa ginawa ng guro pero pinatawad na niya ito dahil may pagkakamali ring ginawa ang kaniyang anak.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang magulang ng isa pang estudyante na pinainom, pati na rin ang kanilang guro.
Pero base naman sa imbestigasyon ng eskwelahan, at ayon sa school principal na tumangging humarap sa camera, ihi at hindi dura ang inilagay umano ng dalawang mag-aaral sa ipinainom sa isa nilang kaklase kaya nagalit ang guro.
Hindi rin umano intensyon ng guro na ipainom talaga ang pinaduraang softdrinks kundi panakot lang.
Pero habang wala siya sa silid-aralan, ipinainom na ng ibang kaklase ang softdrinks.
Bukod sa imbestigasyon ng paaralan, magsasagawa rin ng sariling imbestigasyon ang DepEd Region 1, at babantayan ito ng lokal na pamahalaan.
Binisita na rin ang mga bata at kanilang mga magulang ng Municipal Social Welfare Department, at ipapa-checkup sila sa ospital.
Sinabi naman ni DepEd Secretary Sonny Angara, hihintayin muna niyang matapos ang imbestigasyon at bibigyan ng due process ang sangkot na guro.
Gayunman, tiyak umano na may disciplinary procedure na gagawin sa guro. – FRJ GMA News
