Inihayag ni Kakai Bautista na sa edad niya na ngayong 48-anyos, proud siya na single sa ngayon at walang anak. Pero bukas pa kaya siya sa pag-ibig at ano ang maipapayo niya sa mga single? Alamin.
Sa kaniyang guesting sa “I-Listen with Kara David,” ibinahagi ni Kakai na maraming kadahilanan—kabilang ang mga karanasan at mga taong malalapit sa kaniya— ang nakatulong sa kaniyang desisyon na manatiling single at walang anak.
“Gumising na lang ako isang umaga na parang okay ka rin naman kahit hindi ka ikasal. Sabi ko nga, 'yung kasal si Lord na talaga gagawa kung gusto Niya talaga mag-asawa ako. Siya ang magmo-move no’n ng something para sa akin,” ani Kakai.
Kung siya ang tatanungin, sinabi ni Kakai na pipiliin niya na huwag nang makasal.
“Gusto ko lang ng companion, ganiyan. Kalambutsingan, ganu’n. Parang kung gusto niyang ikasal kami, ikakasal kami, okay. Kung hindi, hindi,” saad ng singer-actress.
Inilahad din ni Kakai kung bakit ayaw niyang magkaroon ng anak.
“'Yung childless, ang laking factor ng mga experiences ko nu’ng bata ako. Pangalawa ayoko na magdagdag ng carbon footprint. Tsaka ngayon pagka naiisip ko na 'yung ganito 'yung nangyayari sa mga bata, oh my God. Sabi ko, parang hindi ko na kaya sa puso ko na mag-bear pa and magluwal pa ng isang magiging biktima ng mundo. Okay na ako,” paliwanag niya.
May tugon si Kakai sa mga nagtatanong sa kaniya kung sino ang mag-aalaga sa kaniya kung wala siyang anak.
“O sige, mag-aanak ako, mag-aasawa ako. Kayo gagastos ha? Kayo gagastos. Kayo magpapaaral. O ‘di tumahimik,” saad niya.
Dagdag pa niya, kontento na siya sa buhay niya ngayon at mayroon nang “growing sense of contentment.”
“Umiiyak pa rin ako, nasasaktan ako, nagagalit ako, normal pa rin ako. Pero hindi ko na ‘yun itinutulog. Kinabukasan, nakalimutan ko na 'yun. I don't focus on the problem na,” pagbahagi niya.
Paglilinaw naman ni Kakai, nananatili siyang bukas sa pag-ibig at “ready na ready.”
Nagbigay din siya ng payo sa mga single na nakararanas ng pressure na magkaanak.
“Masarap maging single. Masarap makilala ang sarili. Kung bata ka pa lang, nalaman mo na agad na natutunan mo na masuwerte ka. Kasi sa totoo lang talaga, tayong mga babae talagang bumukas na ang mundo para sa atin. Tinanggap na tayo ng mundo sa maraming mukha,” saad niya.
Dagdag niya, sulitin ang mga pagkakataong nakabukas na para sa kanila.
“Pero marami pa rin talagang pumipigil sa atin na tumodo tayo. So ang galing ng mga kababaihan ngayon. So huwag niyong sayangin 'yung chance. I-build mo na 'yung sarili niyo. I-establish mo na kung anong gusto niyong i-establish sa inyong buhay. Saka kayo tuluyang umibig, gumawa ng pamilya,” patuloy niya.
“Ang sarap-sarap ng feeling na 'yung buong-buo ka ta's magmamahal ka,” dagdag pa ni Kakai. – FRJ GMA News
