Natagpuang patay matapos na malunod ang tatlong batang babae na magpipinsan sa isang malaking hukay na naipunan ng tubig sa Santa Barbara, Pangasinan. Ang mga biktima, edad apat, lima, at anim.

Sa ulat ni Jasmin Gabriel Galban sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabing nangyari ang trahedya noong Sabado ng hapon sa Barangay Payas.

Kuwento ni Arsenia Garcia, lola ng mga bata, magkakasama ang tatlo dakong tanghali noong Sabado pero walang paalam na aalis sa kanilang lugar na nasa Barangay Cablong.

Pero pagsapit ng 2:00 pm, napansin na ng kanilang mga kaanak na wala ang mga bata kaya sinimulan na silang hanapin.

Hanggang makarating sila sa lugar na hinukay na lupa na naipunan ng tubig na tinatayang 300 metro ang layo sa kanilang lugar.

Hindi nagtagal, napansin nila ang mga tsinelas ng mga bata na nasa gilid ng hinukay na lupa. Isa sa mga tiyuhin ng mga bata ang lumusong sa tubig at doon na nila nadiskubre ang mga katawan ng magpipinsan.

Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya, na planong maligo ng tatlong bata sa patubig na nanggagaling sa water pump.

Maaari umanong nakita ng mga bata ang tubig sa hinukay na lupa at naisipan na doon na lang maligo.

Hinihinala rin ng mga awtoridad na maaaring napunta ang isang bata sa malalim na bahagi ng hukay at tinangkang sumaklolo ang iba pang bata pero nadigrasya din sila.

Napag-alaman na walang marunong lumangoy sa mga biktima. Gayunman, ipinagtataka ng mga kaanak kung papaano napunta sa lugar ang tatlong bata gayung malayo na ito sa kanilang lugar.

Ayon sa pulisya, dating bahagi ng bukid ang lugar na pinangyarihan ng trahedya. Nang may itayong simbahan sa lugar, kumuha at humukay doon ng lupa para gamiting panambak.

Ngunit dahil malayo sa mga kabahayan, naiwang nakatiwangwang ang hukay, at napuno naman ng tubig nang magkaroon ng sunod-sunod na malakas na pag-ulan sa lalawigan.—FRJ GMA News